Sa Gilid

sa gilid

 Hindi ito ang kinagisnan ko.

Minsan ko ring naramdaman
ang paghalik ng malambot na kumot sa aking binti,
ang pagyakap sa akin ng kulambo tuwing gabi,
ang mga unang sa ulo ko’y bumabati—
isang kamang naghihintay sa’king umuwi.

Ngayon, ito ang buhay ko.
Sa isang gilid, ako’y nananahimik.
Maghapong nakaupo’t nakatitig sa kawalan.
Sa gabi’y natutulog, upang gutom ay malimutan.

Sa isang tahanang payak,
pinanonood ko ang pagpadyak
ng mga paang tila ugat sa pedal,
lulan ang isang pasaherong nakaupong napapagal—
mga kalalakihang hindi iniinda ang bigat ninuman,
mahatid lang sila sa kanilang paroroonan.

Sa isang tahanang munti,
dito ako namamalagi.
Ang papag ko’y gawa sa aspalto,
ang unan ko’y kasing-tigas ng bato,
ang kobre kama ko’y lumang karton,
ang kurtina’y nakabiting kartelon.
Hindi ko na rin kailangan ng kumot,
ang usok ng mga sasakyang humaharurot
ay sapat nang init sa karapatang pinagdamot.

Sa isang tahanang walang pinto,
malugod kitang sasalubungin dito.
Ipagpaumanhin mo kung ito lamang
ang aking naihanda’t ihahandog,
mga boteng ireresiklo
at mga kartong patapon.
Ito na lang kasi ang kabuhayan ko,
mga ginamit na bagay na mas mahalaga pa sa ginto.

Ngunit paano mo ako makikita?
Kung ang baling ng iyong mga mata’y nasa kalayuan.
Narito ako sa gilid, nagtatago
habang ikaw ay naglalakad patungo sa malayo.

Sapagkat ang gitna ang una mong mapapansin,
hindi ang kaliwang bahaging kinakain ng dilim.
Nandito ang katotohanang iyong nililihim,
kunwari’y ‘di batid, tinuturing lang akong hangin.

At sino ka upang husgahan ako?
Hindi mo naranasan ang kinagisnan ko.

Pagbitiw

Sa paggising ng aking diwa,

Pupunasan ang mga luha,

Lulunukin ang hikbing hindi mailuwa

At lalanguyin ang bawat baha.

 

Lilinisin ko ang bawat dumi

Na iniwan mo nang ako’y nanatili.

Itatabi ang mga damit

Na aking sinuot noong

Ikaw pa ay kapiling.

 

Ibabalik ko rin sa Diyos

Ang lahat ng ninakaw na bituin

Noong tayo’y naglakad

Sa ilalim ng kadilimang nanlalamig.

 

At kahit na kalimutan  mo man

Ang buhok o pangalan ko,

Tatandaan ko pa rin ang boses

Na binulong mo sa tenga ko.

 

Saka ko itatapon

Ang mga basurang iniwan mo

Na inakala ko’y ala-ala

At tinratong parang ginto.

 

Ngunit kakantahin ko pa rin

Ang mga kantang saulado mo,

Bibigkasin ang pangalang

Pilit na kinalimutan mo.

 

At saka ko ipagyayabang

Sa karagatan,

At buong lupalop ng mundo

Na ako’y minsang nagmahal

Ngunit hindi pala husto.